Nakatakdang magsagawa ang China ng joint air-ground patrols kasama ang Myanmar.
Ayon sa Southern Theatre ng Chinese People’s Liberation Army, nag-organisa ito ng mga army unit na silang mangunguna sa joint patrol sa border ng China at Myanmar, kasama ang mga sundalo ng huli.
Naatasan ang mga ito na magsagawa ng military training sa iba’t-ibang larangan tulad ng mabilisang paggalaw, blocking at control maneuver, joint strike, at pagpapanatili sa seguridad at katatagan sa mga border.
Magsasagawa rin ang mga ito ng live-fire exercises sa loob ng kanilang mga border at ito ay magsisimula na bukas, Aug 27 hanggang Aug 29.
Tinukoy na rin ng Myanmar at China ang ilang lugar kung saan isasagawa ang mga serye ng simulation na kinabibilangan ng timog na bahagi ng Ruili, Zhenkang County, Gengma Dai, at Va Autonomous County sa kanlurang bahagi ng Yunnan Province.
Ang mga naturang lugar ay pawang nakaharap sa katabi nitong bansa na Myanmar.
Batay naman sa pahayag na inilabas ng China, habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa loob ng Myanmar dahil sa giyera sa pagitan ng military junta at ng mga rebel forces, kailangan umanong patatagin ang boundary/border sa pagitan ng dalawang bansa upang masiguro ang katatagan nito.