Makukulong ng 18 taon ang isang Chinese billionaire na dating bumabatikos kay President Xi Jinping dahil sa paghawak sa coronavirus pandemic.
Hinatulan si Ren Zhiqiang, 69, isang retiradong real-estate tycoon na may kaugnayan din sa mga senior Chinese officials, dahil daw sa isyu sa korapsiyon at iba pang kaso.
Una na siyang nawala noong buwan ng Marso makaraang batikusin si Pres. Xi dahil sa palpak na COVID-19 response.
Nitong araw ibinaba ng korte sa Beijing ang parusa laban sa property tycoon bunsod daw sa pagbulsa sa pondo ng bayan na umaabot sa $16.3 million (110.6 million yuan), kabilang din ang kasong pagtanggap ng bribery money, pag-abuso sa kapangyarihan na nagdulot nang pagkalugi ng $17.2 million (116.7 million yuan) sa isang state-owned property company na dating pinamumunuan ni Ren.
Ayon naman sa mga legal observers kadalasan daw ang kasong corruption ang ginagamit umano ng Communist Party sa mga kritiko at bilang babala rin sa mga Chinese elite na hindi sumusunod sa liderato ng kanilang gobyero.