-- Advertisements --

Kinumpirma ng Batangas-Philippine National Police (PNP) na may napadpad na Chinese dredging vessel sa isang marine protected area sa bayan ng Lobo bandang alas-5:00 ng hapon nito lamang March 29.

Sinasabing mga opisyal ng barangay ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa presensiya ng naturang barko.

Kaagad naman nag-inspeksyon ang PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard (PCG), at Lobo-Municipal Police Station, sa pamumuno ni P/Major Rodil S. Ban-o kasama si Mr. Braian M. Osayan na agent ng Emerald ship.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Lobo, Batangas chief of police, Police Captain Rommel Alcantara, batay aniya sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay ang PCG ang nagbigay ng grid coordinate sa barko kung saan sila maaaring mag-dock.

Hindi aniya akalain ng mga crew ng Chinese dredging vessel na sa isang marine protected area nakadaong ang kanilang barko.

Dagdag pa ni Alcantara, wala silang nakitang aktibidad na nagbungkal ng buhangin ang barko dahil malinis ito kaya osibleng nagkaroon ng pagkamali kung saan dapat itong dumaong.

Sa ngayon, nasa area pa rin ang barko at batid na rin ito ng PNP Maritime at PCG.