Inakusahan ng Embahada ng China na nakabase sa Maynila si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ng pagbalewala umano sa katotohanan at pagpapakalat ng maling mga naratibo kaugnay sa malapitang engkwentro sa pagitan ng Chinese Navy helicopter at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft sa may Bajo de Masinloc noong Martes, Pebrero 18.
Ginawa ng Embahada ang pahayag matapos kondenahin ng US Ambassador ang mapanganib na paglapit ng Chinese Navy helicopter na 3 metro lamang mula sa PH aircraft sa kasagsagan ng routine maritime patrol nito sa naturang karagatan.
Nanawagan din si Amb. Carlson sa China na itigil ang coercive actions nito at ayusin ang disputes sa mapayapang paraan salig sa international law.
Subalit, iginiit ng Chinese Embassy na nagsasagawa lamang ang kanilang pwersa ng lehitimong operasyon nang pumasok umano ang sasakyang panghimppawid ng Pilipinas sa territorial airspace nang wala umanong pahintulot.
Idinagdag pa nito na ang anumang rhetoric o mga aksiyon na nagpapalakas ng loob umano ng pilipinas para ipagpatuloy ang iligal umanong territorial claims nito sa pamamagitan ng probokasyon at “staged incidents” ay wala umanong saysay.
Nauna naman ng iniuri ng Philippine Coast Guard ang naturang insidente sa Scarborough shoal na nasa loob ng 200 nautical miles ng exclusive economic zone ng ating bansa bilang pinakamapanganib na aksiyon ng China sa pinagtatalunang karagatan na naglagay sa panganib sa mga lulan ng BFAR aircraft na CG personnel at journalists.