-- Advertisements --

Nanawagan si National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa Chinese Embassy na magbigay ng buong paliwanag sa umano’y panghihimasok ng China sa eleksyon sa Mayo 2025.

Ang panawagan ay kasunod ng isang Senate hearing kung saan ibinunyag ni Senador Francis Tolentino ang isang kontrata sa pagitan ng Chinese Embassy at Infinitus Marketing Solutions Inc., para umano sa pagpapakalat ng pro-China ng mga fake news sa social media.

Giit ni Malaya, may ebidensya gaya ng tseke at kontrata na nagpapakitang posibleng may layunin ang China na impluwensyahan ang diskursong politikal sa bansa, at suportahan ang ilang kandidato.

Samantala, itinanggi ng China ang mga paratang at iginiit na sinusunod nila ang prinsipyo ng “non-interference” sa internal affairs ng ibang bansa.

Hinamon naman ni House Deputy Minority Leader France Castro ang NSC na pangalanan ang mga kandidatong sinusuportahan umano ng China, ngunit tumanggi si Malaya at sa halip ay binatikos ang Makabayan bloc, na umano’y nagsasalita ng parehong linya ng Beijing laban sa modernisasyon ng militar.

Kasabay nito, pinabulaanan din ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pahayag ng China na inangkin na nito ang Sandy Cay, isang sandbar na malapit sa Palawan.