Pinaratangan ng Chinese embassy in Manila ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng paglabag umano sa kasunduan ng Pilipinas at China sa isyu sa Ayungin shoal.
May kaugnayan pa rin ito sa umano’y “gentleman’s agreement” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng gobyerno ng China na panatilihin ang “status quo” sa West Philippine Sea, at huwag kumpunihin ang BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin shoal.
Ayon sa Chinese Embassy in Manila, mula ng maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang punong ehekutibo ng Pilipinas noong taong 2022 ay palagi naman aniyang bini-brief ng Chinese side ang kaniyang administrasyon hinggil sa nasabing kasunduan.
Nagsagawa pa aniya sila ng representation hinggil sa mga usapin sa Ayungin shoal at nanatili committed sa paghahanda ng iba pang mga pamamaraan para pamahalaan ang umano’y mga “differences” sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng pagsasagawa ng dialogue at consultations.
Bukod dito ay inimbita rin anila sa kanilang bansa ang Envoy of the President to China for Special Concerns of the Philippines na si Teodoro Locsin Jr, upang pag-usapan kung paano maaayos na tutugunan ang mga isyu at sitwasyon sa Ayungin shoal.
Samantala, sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines ay tumanggi ang tagapagsalita nito na si Col. Francel Margareth Padilla na magkomento sa mga patutsada na ito ng China.
Matatandaan na una nang iginiit ng gobyerno ng Pilipinas ang karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea partikular na sa Ayungin shoal kasabay ng pagbibigay-diin na walang pinasukan ganitong kasunduan sa China ang ating bansa.