Nanawagan ang Chinese Embassy sa Pilipinas sa gobyerno na i-ban ang Philippine offshore gaming operations (POGOs) sa bansa na karamihan sa sangkot ay mga Chinese national.
Ayon sa Embahada, ipinagbabawal ng batas ng China ang lahat ng uri ng pagsusugal. Mahigpit din aniya na pinipigilan ng gobyerno ng China ang mga mamamayang Tsino na nakikibahagi sa negosyo ng pagsusugal sa ibang bansa kabilang ang POGO.
Saad pa ng embahada na ang POGO ay nakapipinsala sa parehong interes at imahe ng Pilipinas at China pati na rin sa relasyon ng 2 bansa.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na aniya ang gobyerno ng China sa mga awtoridad ng Pilipinas hinggil sa mga Chinese national na sangkot sa mga ilegal na aktibidad sa bansa.
Mahigpit din nitong tinututulan ang anumang walang basehang akusasyon laban sa China may kinalaman sa isyu sa POGO.
Ginawa ng Embahada ng China ang naturang pahayag bilang tugon sa kamakailang paglansag sa mga POGO hub sa lalawigan ng Tarlac at Pampanga.