-- Advertisements --

Pumalag ang Chinese Embassy na nakabase sa Maynila sa akusasyon ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na ilegal na gumamit ang China ng water cannons sa pag-atake nito sa barko ng Pilipinas malapit sa Bajo de Masinloc noong Disyembre 4.

Inakusahan ng Embhada si Carlson na hindi ito nagbase sa basic facts at naghayag ng mga wala umanong basehang akusasyon laban sa lehitimong hakbang ng China para protektahan ang kanilang territorial sovereignty at maritime interest.

Sa isang statement, sinabi ng Chinese Embassy na wala umanong karapatan ang Amerika at mga kaalyado nito na makialam sa mga maritime disputes sa disputed waters sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kaugnay nito, hinimok ng Embahada ang nasabing mga bansa na respetuhin ang territorial sovereignty, maritime rights at interests ng China sa pinagtatalunang karagatan, itigil ang paghahasik ng alitan at pagpapasidhi pa dito at itigil na aniya ang paggugulo para sa kapayapaan at stability sa disputed waters.

Samantala, isang araw naman matapos ang naturang insidente sa Bajo de Masinloc, naghain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China sa pamamagitan ng isang note verbale.

Nakatakda ding makipagkita si DFA Secretary Enrique Manalo kay Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian para talakayin ang pinakabagong insidente sa West Philippine Sea.