Pinasinungalingan ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang mga malisyosong akusasyon kaugnay sa umano’y pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng Chinese national sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay matapos na hilingin ni Cagayan Representative Joseph “Jojo” Lara sa Kamara na magsagawa ng inquiry kaugnay sa naturang isyu at sinabing maaaring malagay sa panganib ang seguridad ng PH dulot ng presensiya ng mga Chinese student sa gitna ng agresyon ng kanilang bansa sa West Philippine Sea.
Sa inilabas na statement ng Chinese embassy ngayong araw, sinabi nito ang mga walang basehang akusasyon sa educational exchanges sa pagitan ng China at PH ay isa nanaman umanong malisyosong panlilinlang para mag-udyok ng hinala at galit sa China.
Pinalutang din ng Chinese embassy ang posibleng muling pagbuhay sa PH ng tinawag nitong ‘McCarthyism’ na isang political opression at persecution ng makakaliwang indibidwal. Kaya’t kailangan umano itong mabantayan at malabanan.
Samantala, sinabi din ni Cagayan Cong. Lara na nakatanggap siya ng report mula sa kaniyang kasamahan na mayroong 4,600 Chinese students sa isang pribadong unibersidad lamang at namataan ang mga ito sa mga pampublikong lugar na nakasuot ng mga student IDs.
Dagdag pa ng mambabatas na nakatanggap din siya ng impormasyon na ang mga Chinese student na dumating sa Cagayan ay nagbayad ng P1 million bawat isa kung saan 80% ng halaga ay mapupunta sa isang agent at ang nalalabing 20% ay sa paaralan.
Bilang tugon dito, sinabi ng Chinese embassy na kinakasangkapan lang umano para sa pansariling interes ng ilang Pilipinong politiko ang maritime issues sa pagitan ng PH at China at sinisira ang kooperasyon sa pagitan ng 2 bansa.
Sinabi din ng Embahada na ang educational exchanges sa pagitan ng PH at China ay mabilis na lumalaki sa paglipas ng taon na sumusuporta sa mas malalim pang mutual understanding sa paghitan ng 2 bansa.
Una rito, nitong Miyerkules, sinabi ng AFP na iniimbestigahan na ang napaulat na pagtaas ng Chinese students sa Cagayan, isang probinsiya sa northern Luzon na malapit sa Taiwan.