Idineklara bilang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa Kalayaan island.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng municipal council ng Kalayaan sa resolution na nagdedeklara sa chinese envoy bilang persona non grata.
Ang resolution ni Councilor Maurice Philip Alexis Albayda ay ipapadala sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa Senado maging sa Chinese Embassy sa Maynila para iparating ang kanilang sentimiyento.
Ayon kay Councilor Albayda na magsisilbi ang naturang resolusyon para ipaalam sa matataas na opisyal ng gobyerno ang kanilang saloobin at para mamulat ang Chinese envoy kaugnay sa kanilang matinding pagkabahala sa hindi makatwirang aksiyon ng kaniyang bansa sa West Philippine Sea kung saan matatagpuan ang kanilang hometown, ang kalayaan.
Nag-ugat ang naturang resolution sa insidente noong Agosto 5 kung saan hinarang ng China Coast Guard at binombahan ng tubig ang resupply boat ng Pilipinas sa Ayungin shoal.
Sa privilege speech ni Albayda, sinabi nito na ang agresibong aksiyon na ito ng China ay hindi lamang naglagay sa buhay ng mga lulan ng resupply boats sa panganib kundi maging sa mga crew na lulan ng BRP Cabra ng PCG kung saan sakay din dito ang tatlong residente ng kalayaan island na patungo sana noon sa Lawak island para magtayo ng shelter para sa coastal enforcers.