KALIBO, Aklan – Nasamsam ng binuong task force ang mga peke at hindi rehistradong produkto na ibinibenta ng isang Chinese company na may sangay sa bayan ng Kalibo at Numancia sa lalawigan ng Aklan.
Ayon kay P/Col. Richard Mepania, hepe ng Kalibo Police Station, sinalakay nila ang main office ng Sea World Food Supplement sa Roxas Avenue, Kalibo, subalit naka-padlock na.
Binuksan na lamang ito ng may-ari ng building para sa gagawing inspeksyon, kung saan nakumpiska ang mga naka-karton na hindi rehistradong gamot at mga pekeng produkto tulad ng “Sea Dog Pill” na isang sex enhancer for men at iba pa.
Batay sa record ng Business and Licensing Office ng LGU-Kalibo, ang operasyon ng naturang kompaniya ay pinapatakbo umano ng mga Chinese, ngunit gumamit ng dummy name na nakapangalan kay Ron Airoldg Taunan Teodosio ng Libtong, Estancia, Kalibo.
Karamihan umano sa mga kliyente ng nasabing kumpaniya ay pawang mga Chinese rin at may mga distributor na mga Pinoy.
Sinabi ni Mepania na ang pagbebenta ng ipinagbabawal na produkto ay isang criminal offense at may katapat na karampatang kaso at parusa.
Dapat aniyang sumunod sa alintuntunin ng Food and Drug Administration (FDA) para sa kapakanan ng publiko.
Dinala sa Iloilo ang mga nakumpiskang produkto para sa laboratory test.
Ang task force ay kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection, Engineering at Local Business Licensing Department ng LGU-Kalibo at Municipal Health Office.