Matapos na itanggi nina Philippine National Security Advisor Eduardo Año, Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at Department of Foreign Affairs sa magkakahiwalay na statement, nanindigan ang China sa katauhan ni Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian na nagkasundo umano sa new model arrangement ang PH at China kaugnay ng pangangasiwa sa isyu sa Ayungin shoal.
Sa pagtatapos aniya ng 2021, matapos ang masinsinang komunikasyon at konsultasyon, nagkasundo ang China at PH sa gentleman’s agreement.
Habang ilang buwan naman ng umupo ang kasalukuyang administrasyon ng PH, patuloy na ipinatupad ng 2 panig ang naturang kasunduan hanggang sa itigil ng PH ang pagkilala dito noong Pebrero 2023.
Noong nakalipas na Setyembre, inimbitahan umano ng panig ng China ang envoy of the President to china for Special Concerns of the PH doon sa Beijing para talakayin kung paano maaayos ng pamahalaan ang sitwasyon sa Ayungin shoal na nagresulta naman umano sa isang ‘internal understanding’ na inaprubahan umano ng liderato ng PH. Kung saan isinagawa umano ang isang resupply mission sa ilalim ng naturang internal understanding bago ito inabandona ng PH.
Sa unang bahagi naman aniya ng 2024, nagkasundo ang China at PH sa “new model” para sa resupply mission na may kinalaman sa Ayungin shoal matapos ang ilang serye ng pag-uusap sa pamamagitan ng diplomatic channel at AFP Western Command. Noong Pebrero 2 daw nagsagawa ang PH ng isang resupply mission sa ilalim ng new model arrangement bago nanaman ito abandonahin.
Sinabi din ng Chinese Foreign Ministry official na layunin umano ng gentleman’s agreement, internal understanding at new model sa pagitan ng China at PH na mapangasiwaan ang pagkakaiba, mapigilan ang conflict at makabuo ng tiwala upang manatiling mapayapa at matatag ang sitwasyon sa karagatan sa Ayungin shoal.
Samantala, sa panig naman ng Pilipinas, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na isang constant liars ang Embahada ng China sa Maynila. Madalas umanong nagpapalabas ng kasinungalingan ang embahada matapos na i-expose ng PH ang mga insidente sa West Philippine Sea.
Paulit-ulit din aniyang pinapalutang ng China ang mga kasunduan ng wala namang maipakitang dokumento. Kaya’t hindi dapat na pagtuunan ng pansin ang mga inilalabas na pahayag ng Chinese embassy kaugnay sa WPS dahil layunin lamang nito na ilihis ang atensiyon at pagwatak-watakin ang mga Pilipino.