Hindi pinahintulutang makapasok sa Pilipinas ang isang puganteng Tsino at dineport ito pabalik sa China kung saan siya wanted dahil sa ilegal na aktibidad sa sugal, ayon sa Bureau of Immigration (BI) ngayong Linggo, Hunyo 9.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang puganteng ito bilang si Wang Yilin, 37, na na-intercept ng mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Mayo 29 matapos ang kanyang pagdating mula sa Bangkok, Thailand.
Ani Tansingco, inaprubahan nila ang hiling ng embahada ng Tsina na siya’y ipadala pabalik sa Tsina at harapin ang kaso kaugnay ng kaniyang umano’y ginawang krimen.
Si Wang ay ini-deport noong Mayo 31 at sinamahan ng mga pulis mula sa Tsina. Binanggit din na kabilang na siya sa blacklist ng BI at permanente na siyang hindi papayagang pumasok sa Pilipinas.
Inilahad din ng mga imbestigador na noong 2019, si Wang ay nagtangka kasama ang isa pang suspek na magtayo ng isang sindikato na nagpapatakbo ng isang gambling platform sa Internet kung saan labag sa China’s anti-gambling laws.