Kinumpirma ni Philippine Ambassador to China, Chito Santa Romana na nagpaabot na nang paumanhin ang gobyerno ng China kaugnay sa naganap na banggaan ng Chinese fishing vessel at bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Sinabi ni Amb. Santa Romana, idinaan ang apology ng mga Chinese officials sa diplomatic channel at hindi sa pamamagitan ng formal letter.
Ayon pa kay Santa Romana, maituturing na “breakthrough” ang paghingi nang paumanhin ng may-ari ng Chinese fishing vessel dahil nalinawan ang ilang mga isyu.
Hindi raw kasi maitatanggi na nagkaroon ng negatibong epekto sa bilateral relations ng Pilipinas at China ang insidente, habang nakasama rin ito sa imahe ng China sa international community.
Pero mistulang nakukulangan si Santa Romana sa apology ng Chinese boat owner dahil dapat daw sa mga nabanggang mangingisdang Pilipino direktang ipinaabot ang paghingi ng paumanhin imbes na sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Magkakaroon lamang din daw ng ganap na “closure” sa isyu kapag naibigay na ang kompensasyon sa mga mangingisdang Pilipino.
Kung maalala maging si DFA Sec. Teddy Locsion at SC Senior Associate Justice Antonio Carpio ay meron ding pagpuna sa naturang sulat.