CENTRAL MINDANAO-Isang magandang balita para sa mga magsasaka sa probinsya ng Cotabato ang dala ng isang Chinese investor mula sa Davao City na si Mr. Lee Nicolas sa kanyang pagbisita sa opisina ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Personal na hiningi ni Nicolas ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang pamumuhunan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbili ng mga produktong pang-agrikultura katulad ng saging at mais kung saan sagana ang probinsya ng Cotabato.
Sa kanilang pagpupulong, agad namang ipinag-utos ni Governor Mendoza sa mga kawani ng Office of the Provincial Agriculture (OPAG) na tingnan ang estado ng mga produkto sa bawat bayan upang masiguro na sapat ang maibibigay sa nasabing investor.
Aniya, malaking tulong ito sa mabilis na kita para sa mga magsasaka sa probinsya kaya hiniling din nito ang magandang market price na makakatulong sa mga lokal farmers.
Ang nasabing pagbisita ay dinaluhan nina Provincial Advisory Council (PAC) members na sina; Judge Lily Laquindanum, Ely Mangliwan at Albert Rivera, Board Member Jonathan Tabara, Sam Mate at ilang mga kawani mula sa OPAG.