Dinikitan at binuntutan ng Chinese military chopper ang eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng aerial surveillance sa Panatag shoal na pasok sa 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ito ay isang mapanganib na maniobra at unprofessional.
Ipinauubaya naman ng opisyal sa BFAR ang paglalabas ng opisyal na pahayag kaugnay sa panibagong insidente sa WPS. Subalit iginiit ni Trinidad na ang naturang mga aksiyon ay walang puwang sa aviation industry.
Sinabi din ng PH Navy official na ang pagpapalipad malapit sa ibang sasakyang panghimpapawid ay maaaring humantong sa untoward incidents kayat dapat na sundin ang rules of engagement at international law para maiwasan ito.
Una rito, nangyari ang insidente noong Sabado kung saan mapanganib na dinikitan ng Chinese military helicopter ang eroplano ng BFAR.
Nag-isyu din ng radio warnings ang Chinese Navy warship kung saan posibleng nagmula ang Harbin Z-9 helicopter na bumuntot sa BFAR aircraft sa distansiya na itinuturing na mapanganib.
Nagbunsod naman ito sa piloto ng BFAR aircraft na mag-isyu ng radio arning sa Chinese military chopper.