Nagpaabot ng suporta ang Chinese government kay Hong Kong leader Carrie Lam at sa Hong Kong police force kasunod ang hindi matapos-tapos na malawakang kilos protesta na nagaganap sa naturang lungsod.
Halos dalawang buwan nang niyayanig ng iba’t ibang pro-democracy protest ang Hong Kong na nagsisilbing pinakamalaking hamon sa Beijing authority simula nang maibalik sa ruling ng China ang dating British colony noong 1997.
Sa kauna-unahang press conference na isinagawa ng state council ng Hong Kong at Macau affairs office patungkol sa isyu, inamin nito na nagdulot ng matinding pagkasira sa rule of law ng Hong Kong ang nasabing kilos protesta.
Handa naman umano ang Chinese government na ipadala ang kanilang tropa militar sa Hong Kong upang mapanatili ang social order sa lungsod alinsunod na rin sa kahilingan ng Hong Kong government.
Dagdag pa nito, ang nangyaring pagsugod sa Chinese government liaison office sa Hong Kong ay hindi katanggap-tanggap.
Umusbong ang madugong kilos protesta sa Hong Kong matapos isulong ni Carrie Lam ang extradition bill sa bansa kung saan mayroong pagkakataon na ibalik sa mainland China ang mga kriminal upang doon isagawa ang kanilang paglilitis.