Hinarang ng Bureau of Immigration ang pasaherong Chinese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos itong mag-presenta ng mga pekeng dokumento.
Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement, ang 32-taong gulang na Chinese ay kinilalang si Wang Weiqiang at sakay ng eroplano mula Bangkok, Thailand.
Nang lumapag sa bansa si Wang ay napag-alaman na huwad ang Mauritius passport at identification card nito.
Dahil dito, ibinunyag na rin ng nabistong Chinese na nakuha niya ang mga pekeng dokumento matapos magbayad ng USD 200,000. Inamin din nito na hindi siya pumunta sa Mauritius para ma-proseso ang iprinesenta niyang passport at sa Thailand na niya ito natanggap.
Bilang resulta ng pagkakaharang kay Wang, isinama na ang pangalan nito sa blacklist ng Bureau of Immigration.