Napag-alaman ng Philippine National Police (PNP) na konektado di umano sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang Chinese National na dinukot habang nangingisda kasama ang kaniyang mga kapwa Chinese sa Angat River malapit sa Bustos Dam, sa barangay Tibagan, Bustos, Bulacan.
Una nang iniulat na humihingi ng ransom ang mga suspek at kanina sa pulong balitaan sa camp crame, kinumpirma ni PNP PIO Chief & Spokesperson, PBGen. Jean Fajardo, na nakapagbigay na ng ransom ang kampo ng biktima na humigit kumulang P5 milyon.
Pero ayon kay Fajardo, isa sa kinakaharap ngayong pagsubok ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ay nangyari ang pagbabayad ng ransom sa labas ng hurisdiksyon ng Pilipinas o sa pamamagitan ng cryptocurrency.
Kaya naman nakikipag-ugnayan na raw ngayon ang PNP-AKG sa foreign counterpart nito para malaman kung saan na napunta ang ibinayad na ransom.
Dagdag pa rito, sa kabila ng ibinayad na P5-M, ayon sa PNP, hindi pa rin daw pinakawalan ng mga suspek ang biktima.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon at pagtugis ng Police Regional Office-3 sa pagkakilanlan ng mga suspek.