Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang mastermind umano sa kamakailang pagdukot sa 14 anyos na international student sa siyudad ng Taguig ay siya ding utak ng mga pagdukot at pagkawala ng mga dayuhan.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, nakikipag-ugnayan na sila sa ilang mga embahada sa nakalipas na mga taon kaugnay sa mga insidente ng pagdukot na kagagawan ng isang nagngangalang Wang Dan Yu na kilala din bilang Bao Long, na natukoy na lider ng kidnapping syndicate na sangkot din sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Kaugnay nito, nakatakdang ibahagi ng PAOCC ang lahat ng kailangang impormasyon sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa naturang suspek.
Matatandaan, nauna ng natukoy ng DILG si Wang Dan Yu bilang suspek sa pamamaril sa isa pang Chinese national sa hotpot restaurant sa Makati city noong Oktubre ng nakalipas na taon.