Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, Agosto 4, na isang Chinese na sanggol ang kasama ng kanyang mga magulang nang sila ay i-deport kasama ang iba pang foreign workers ng mga sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi ito ni Commissioner Norman Tansingco bilang tugon sa mga balita na ang sanggol ay kabilang sa 27 Chinese nationals na na-deport noong Agosto 2.
Aniya, ang sanggol ay anak ng isang babaeng manggagawa ng Smart Web Technology na ni-raid noong nakaraang taon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sinabi rin niya na ang mga Chinese national na idineport ay kabilang sa mga naaresto sa pamumuno ng PAOCC laban sa mga ilegal na aktibidad sa online gaming sa Las Pinas City, Pasay City at Tarlac.