-- Advertisements --

Arestado ang isang Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 22, 2025, matapos subukang umalis patungong China gamit ang pekeng working visa, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Kinilala ang suspek na si Li Xuanjun, 23 gulang, na naharang ng mga immigration officer sa NAIA Terminal 3 bago ang kanyang nakatakdang flight papuntang Quanzhou, China.

Ang pagkaka-aresto ni Li ay bunsod ng matuklasan ng mga awtoridad na peke umano ang working visa nito. Inisyu ang visa kay Li noong 2023, ngunit kinansela ito ng BI matapos magsagawa ng imbestigasyon matapos makitang hindi tama ang mga impormasyon ng suspek sa aplikasyon nito.

Dito nalaman ng ahensya na ang working visa ni Li ay naipagkaloob batay sa isang pekeng employer-company na nagsumite ng petisyon para sa kanya. Pero ng imbestigahan ng BI ang pag-check sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Department of Trade and Industry (DTI) license nito, ‘walang natagpuang record ang nasabing kumpanya.

Dahil dito, ideklarang null and void ng BI Board of Commissioners ang visa ni Li.

Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkaka-aresto at sinabi na si Li ay ide-deport dahil sa pagiging “undesirable alien” nito dulot ng pandarayang ginawa sa kanyang aplikasyon. Ang pangalan ni Li ay isinama na sa blacklist ng BI, kaya’t hindi na siya makakapasok muli sa Pilipinas.