Arestado ang isang Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na mahulihan ito ng pekeng passport.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nagpakita ang Chinese national na si Xu Kaidi ng Philippine passport na pangalang Mark Anthony Cobeng na 33 taong gulang.
Lilipad sana patungong Maldives si Xu sakay ng isang private jet nang mapansin ng isang immigration officer na may discrepancies sa mga dokumento nito.
Dahil dito ay nagsagawa ng interview ang nasabing immigration officer kay Xu at napag-alaman na hindi manlang ito marunong magsalita ng Tagalog.
Samantala, sinabi naman ng port operations chief na si Carlos Capulong na nagsanhi pa raw ng komosyon si Xu sa NAIA nang tumanggi itong ipasiyasat sa immigration officers ang kanyang pasaporte.
Sa ulat ay may isa pang Chinese national na kasama si Xu na mayroong balidong passport ngunit nagkusa naman itong ipagpaliban ang kanyang byahe.
Sa ngayon ay nakakulong sa BI’s detention facility sa Camp Bagong Diwa si Xu habang hinihintay ang kanyang deportation.