Nabunyag na may INTERPOL red notice dahil sa scamming sa China ang Chinese national na si Sun Liming na isa sa inaresto sa sinalakay na bahay sa Tuba, Benguet noong Sabado, Hulyo 27.
Una itong nagpanggap na isang Cambodian national na si Khuon Moeurn sa pamamagitan ng pagpapakita nito ng pekeng Cambodian passport na may visa na valid lamang hanggang noong August 2020 subalit nadiskubre kalaunan ng mga awtoridad na ito ay isang Chinese national na wanted sa massive fraud sa China.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chief USec. Gilbert Cruz, nakakulimbat ito ng 7 billion yuan o katumbas ng P56 billion sa panloloko o pangi-scam nito sa 12,000 indibidwal sa China.
Liban dito, sinabi din ng PAOCC official na ikinokonsidera si Liming na utak ng scamming operation ng POGOs sa Pilipinas at nagsisilbing consultant ng iba’t ibang POGO hubs.
Sa panig naman ng Chinese national, itinanggi nitong sangkot siya sa mga operasyon ng ni-raid na POGO hub ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng BI at PAOCC ang naturang Chinese national habang sumasailalim sa imbestigasyon at nakatakdang ipa-deport pabalik ng China.