-- Advertisements --

Arestado ang isang Chinese national na may dalang International Mobile Subscriber Identity o I.M.S.I. catcher sa Intramuros, lungsod ng Maynila. 

Sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation, nahuli ang naturang dayuhang Chinese na nakasakay sa kanyang kotse. 

Kaya’t nang ma-intercept ng NBI ang kanyang behikulo ay agaran itong inaresto at pagbukas ng kanyang sasakyan ay tumambad ang spy equipment na siyang tinatawag na IMSI catcher. 

Ayon sa tagapagsalita ng National Bureau of Investigation na si Spokesperson Ferdinand Lavin, matagal na umano nila itong minamanmanan. 

Kung saan ibinahagi niya na ang nagtimbre sa kanila upang mahuli ang naturang Chinese ay mula sa imbestigasyon ng kanilang Cybercrime Division at Technical Intelligence Division. 

Dagdag pa niya, ang Chinese national ay sinasabing nakapag-ikot pa sa iba’t ibang mga gusali ng gobyerno dito sa Maynila partikular sa Padre Faura St. kung saan naroroon ang Korte Suprema, at Department of Justice. 

“So minanmanan na namin for five (5) days, kahit Sabado, Linggo hindi na namin binitawan ito… dahil nandito na siya, three (3), four (4) times na siyang umikot dito, other government facilities umikot na rin siya so we felt alarmed, and ini-intercept na namin,” ani Spokesperson Ferdinand Lavin ng National Bureau of Investigation (NBI).

Samantala inamin naman ng naturang spokesperson na ang motibo sa likod ng pagdadala o paglilibot ng Chinese national na may spy equipment ay hindi pa tiyak.

Ngunit ibinahagi niya na nakaseseguro sila na kaya nitong makapang text blasting, makasagap ng impormasyon o mapasok at makuha ang mga content na nakatago sa personal na smartphone ng isang indibidwal. 

Sinasabing kaya nitong makasagap at makahigop ng data mula sa may layong 500 meters hanggang 3 kilometer radius.