-- Advertisements --

Kinumpirma mismo ni Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesperson Winston Casio sa pagdinig ng Senado ang koneksyon ni Li Duan Wang sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Si Wang ay isang Chinese National na nag-a-apply na maging isang Filipino citizen.

Kinumpirma ni Casio, sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, ang Securities and Exchange Commission documents na nagpapatunay ng koneksyon ni Wang sa itinuturing na pinakamalaking POGO Service Provider na New Oriental Club 88 Corporation.

Ang naturang kompanya, kung saan Incorporator si Wang ay pinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas.

Samantala, batay naman sa natanggap na impormasyon na ibinahagi ng Bureau of Immigration, natagpuan umano si Wang sa isang commercial building na sinalakay ng mga otoridad kahapon dahil sa isang online scam hub.

Isinagawa aniya ang operasyon kasunod ng mission order sa gitna nang pagsisikap ng ahensya na sugpuin ang mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, sa nakuha nilang impormasyon nasa loob daw ng building si Wang ngunit wala ito sa mismong opisina na ni-raid ng mga otoridad.

Nang matanong ni Hontiveros kung bakit nasa comercial building si Wang kung saan may alegasyon na scam hub, sinabi ni Viado hindi na raw nila ito tinanong.

Hindi na rin daw nila na-establish ang koneksyon ni Wang sa korporasyon na sinalakay ng mga otoridad.