CAGAYAN DE ORO CITY – Mahaharap sa patong-patong na kaso ang Chinese national na nakumpiskahan ng iba’t-ibang pekeng sigarilyo sa dalawang bahay na pagmamay-ari ng dating mambabatas na nakabase sa Isabel Village, Barangay Palao, Iligan City.
Ito’y matapos ipinatupad ng Regional Investigation Division ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-10 ang mission order kasama ang kinatawan ng Fortune Tobacco Corporation at Iligan City-Philippine National Police upang mapasok ang warehouse kung saan itinago ang mga sigarilyo.
Kinilala ni Iligan City Police Office spokesperson Police Maj. Giovannie Cabusas sa Bombo Radyo, ang naabutan nilang dayuhan na si Wang Jian Min, 41-anyos na binata at nagpakilala na pinsan umano ng kanyang business partner.
Inihayag ni Cabusas na nalusob ng tropa ang unang bahay kung saan nakabase ang isang Pinay na nagpakilalang tagaluto at si Wang, kung saan nakumpiska ang nasa 100 case ng assorted cigarette brands.
Napasok din ng isa pang raiding team ang pangalawang bahay na nirentahan ng suspek kung saan tumambad ang 387 na kahon ng mga pekeng sigarilyo.
Ayon sa taga-BIR, nasa mahigit P100 million ang estimated value ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Naka-kustodiya na sa ngayon ang mga sigarilyo kung saan ilan sa mga brand ay “Two Moon” sa mismong tanggapan ng BIR-10 sa Cagayan de Oro City.
Kaugnay nito, kakasuhan ang suspek ng unlawful pursuit of business, failure to file excise tax returns, unlawful possession or removal of articles subject to excise tax without payment of tax, at attempt to defeat or evade excise tax.