KALIBO, Aklan – Nailigtas ang isang babaeng Chinese na sinasabing inatake ng nervous breakdown sa tangka niyang pagpapakamatay.
Ang banyagang nagtangkang tumalon sa ikatlong palapag ng tinutuluyang inn sa kanto ng Archbishop Reyes at Goding Ramos Sts. Kalibo, Aklan ay nasagip ng mga pulis, rescuers at bumbero.
Nakilala ang dayuhan sa pangalang Wang Ya, 34, taga-China at pansamantalang nanunuluyan sa RG Travellers Inn.
Base sa report, pumunta kagabi sa Kalibo Police Station ang babae upang humingi ng tulong sa pulisya.
Nang mapakalma, dinala ng mga otoridad ang dayuhan sa nasabing inn upang magpalipas ng gabi.
Subalit, dakong alas-7:30 kaninang umaga, nabigla na lamang ang mga dumaan sa nasabing lugar nang makita ang dayuhan na nasa bubungan ng building at umaakmang tatalon.
Sa pagresponde ng mga otoridad ay nakumbinsi nila ang babae na bumaba.
Agad itong isinugod sa pagamutan at nakikipag-ugnayan na sa Chinese Embassy upang matulungan na makabalik sa kanyang pamilya ang dayuhan.
Sa pamamagitan ng isang Chinese interpreter, napag-alamang maliban sa iniwan ng kanyang mga kasamahan ay hinahanap umano ng babae ang kanyang nawawalang gamit.
Pinapaniwalaang isang bakasyunista sa Boracay ang dayuhan.