-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay na pagharang sa isang Chinese national na wanted for deportation ng ahensya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa human trafficking at prostitusyon.
 
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na naharang ang 51-anyos na si Du Shuizhong sa NAIA terminal 1 noong Setyembre 19 nang siya ay sasakay sana ng  flight papuntang Chengdu, China.

Hindi pinayagang umalis si Du at sa halip ay inaresto at dinala sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay Viado, ibabalik si Du sa China alinsunod sa deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa kanya noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.

Inilagay din siya sa blacklist at pinagbawalan na muling makapasok sa bansa.

Lumabas sa records na si Du ay dati nang kinasuhan ng BI dahil sa pagiging undocumented at for undesirability matapos matuklasan na nagtatrabaho sa isang establisyimento na sinasabing sangkot sa prostitution at labor exploitation.

Mananatili siya sa pasilidad ng BI hanggang sa implementasyon ng kanyang deportasyon.