Iniimbestigahan na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga ulat hinggil sa mga Chinese national na bumibili ng mga lupain sa Central Luzon.
Ibinunyag ni PAOCC chief Gilbert Cruz na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang Chinese nationals ang nagrerenta o bumibili ng mga property at nagbabayad pa ng hanggang P90,000 kada ektarya sa mga bukirin.
Paliwanag ng opisyal na sa halip na magtanim ang mga magsasaka, binabayaran na lamang sila ng mga Chinese at inuupahan ang mga lupain at ang mga Chinese na ang bahala kung ano ang kanilang gustong gawin sa mga lupa.
Iginiit ng PAOCC official na kailangan itong maimbestigahan dahil nagpapakita ito ng posibleng mga problema sa hinaharap lalo na sa pag-kontrol sa mga lokal na sakahan.
Ang naturang rebelasyon ng PAOCC official ay sa gitna ng pinaigting na nationwide crackdown ng POGO hubs sa bansa kung saan mga dayuhan ang kalimitang sangkot partikular na ang mga Chinese na nadadawit sa mga ilegal na aktibidad tulad ng human trafficking.