KALIBO, Aklan – Ilan sa mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa ipinapatayong hydro-power plant sa Brgy. Maria Cristina, Madalag, Aklan ay walang kaukulang dokumento upang magtrabaho sa bansa.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni DOLE-Aklan head Carmela Abellar, batay sa kanilang resulta ng inspection, sa kabuuang 49 na Chinese workers sa lugar, lima sa kanila ang wala pang Alien Employment Permit (AEP).
Ang hakbang ay kasunod ng imbestigasyon ng Sangguniang Panlalawigan sa patuloy na pananatili sa lalawigan ng nasa 2,000 mga overstaying aliens na karamihan ay mga Chinese at South Korean na nagtatrababo sa Boracay, Kalibo at iba pang bayan sa Aklan.
Dagdag pa ni Abellar na kapag wala pang AEP ay dapat na may hawak na Special Working Permits mula sa Bureau of Immigration ang isang banyaga na gustong magtrabaho sa bansa na hindi lalagpas sa anim na buwan.
Tanging administrative sanction umano ang maaari nilang ipataw na P10,000 na multa sa bawat alien sa bawat taon na iligal na pananatili gayundin sa kompaniyang kumuha sa kanila.