-- Advertisements --

Binuntutan at nagsagawa ng mapanganib na flight maneuvers ang helicopter ng People’s Liberation Army Navy (PLA-Navy) na natukoy na may tail number 68 sa aircraft ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ito ng Maritime Domain Awareness Flight sa may territorial airspace ng Bajo de Masinloc nitong Martes, Pebrero 19.

Kasama din sa lulan ang personnel mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at photojournalists.

Sa Isang statement, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nalagay sa seryosong panganib ang kaligtasan ng mga piloto at mga pasahero bunsod ng reckless action ng Chinese helicopter.

Ito ay matapos lumapit ang Chinese Navy helicopter na 3 metro lang ang distansiya sa port side at itaas ng BFAR aircraft na nagdulot ng malaking alalahanin hinggil sa malinaw na paglabag ng PLA-Navy at tahasang pagwawalang-bahala sa mga international aviation regulations ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

Sa Kabila nito, tiniyak ng PCG at BFAR na nananatili silang nakatuon sa paggigiit ng ating soberanya, sovereign rights, at maritime jurisdiction sa West Philippine Sea sa kabila ng mga agresibo at umiigting pang mga aksyon ng China.