-- Advertisements --

Binuntutan ng Chinese Navy vessel ang convoy ng US, PH at France vessels nitong umaga ng Sabado habang naglalayag sa exclusive economic zone ng Pilipinas bilang bahagi ng Balikatan exercises ngayong taon.

Ito ay ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessel number 793 na namataan kaninang 6am na bumuntot sa naval convoy ng 3 bansa na may layong 50 nautical miles mula sa mainland Palawan.

Ayon kay Commander Marco Sandalo, commanding officer ng BRP Davao del Sur nagsagawa ng shadowing operations ang Chinese navy ship pero wala aniyang naganap na radio challenges.

Nagpadala din ang PH Air Force ng eroplano na pinalipad sa itaas ng Balikatan convoy at Chinese vessel dakong 9:05 am bilang parte ng regular reconnaissance para malinang pa ang maritime domain awareness ng PH.

Nasa 3 oras umanong naglayag ang PLAN sa loob ng EEZ ng PH at natatanaw mula sa BRP Davao del Sur na pinakamalaking barko ng PH Navy sa Balikatan exercises.

Bandang tanghali ay nasa 100 nautical miles radius ang Chinese vessel mula sa BRP Davao del Sur.

Lumapit din ang naturang Chinese navy ng 3 nautical miles mula sa BRP Davao del Sur na lagpas naman sa standard safe sailing distance na 2 nautical mailes.

Sa kabila naman ng presensiya ng Chinese navy vessel , nagpatuloy pa rin ang mga barko ng PH, US at France sa pagsasanay ng kanilang naval formations at cross-deck landing exercises.

Inaasahan na magsasagawa ang 3 bansa ng pagsasanay sa maritime search and rescue, gunnery at amphibious raid hanggang sa susunod na linggo.