KALIBO, Aklan – Nakipagpulong ang ilang Chinese embassy officials sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.
Kasunod ito sa ilang kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga turistang Chinese habang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.
Pinaunlakan ni Malay acting Mayor Frolibar Bautista sina Consul General Bai Tian at Consul Wang Yi ng Chinese Embassy For Culture & Tourism gayundin si Consul General Lou Gang ng Chinese Embassy Manila kung saan, pinag-usapan umano ang pananatili ng mga dayuhan sa pamosong isla.
Ginanap ang pulong sa isang malaking hotel sa Boracay.
Maalalang ilang turistang Chinese ang naharap sa kontrobersiya tulad nang pagtatapon ng diaper sa dalampasigan at naghugas pa ng puwet ng anak sa dagat gayundin ang pinag-usapan kamakailan lamang na pagbandera ng kanilang bandila sa pampublikong lugar na kalaunan nalaman na may permiso mula sa lokal na pamahalaan.
Samantala, pormal na ipinasakamay sa Malay PNP at Philippine Coast Guard ang dalawang all-terrain vehicle’s (ATV’s) mula sa People’s Republic of China upang gamitin sa pagpatrolya sa beach area ng Boracay.