-- Advertisements --
PLA 2

Nababahala ngayon ang US State Department matapos mapag-alaman na nagsagawa ng military exercise ang tropa militar ng China malapit sa Hong Kong.

Daan-daang miyembro ng People’s Armed Police ang nakita na nagmamartsa sa loob at labas ng isang sports stadium sa Shenzhen City.

Halos 100 dark painted paramilitary vehicles naman ang pumuno sa parking space ng nasabing stadium. Kabilang na rito ang mga truck, armored personnel carriers, armored wheel-loaders at mga sasakyan na may dalang water cannons.

Ayon sa US State Department, malinaw na mensahe raw ito na handang ipadala ng China ang kanilang tropa militar sa Hong Kong upang subukan na pumagitna sa mga raliyista at Hong Kong authorities.

Ngunit tinaliwas naman ito ng Western at Asian diplomats sa Hong Kong at sinabi na walang balak ang China na isabak sa naturang kaguluhan ang People’s Liberation Army.

Maaari raw kasi na masira ang paniniwala ng international community sa “one county, two systems” model na pinapairal ng China.

Samantala, handa umanong makipagpulong si US President Donald Trump kay Chinese President Xi Jinping upang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng Hong Kong.

Ani Trump, mayroon daw itong solusyon na ibabahagi sa Chinese leader upang mapabilis at maging makatao pa rin ang maging tugon nito sa mga raliyista.