-- Advertisements --
CORONAVIRUS WUHAN

Umabot na sa 2,744 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa bansang China ayon sa isang opisyal ng bansa kasunod ang kauna-unahang pagkamatay ng isang 80-taong gulang na babae sa probinsya ng Hainan.

Batay sa Chinese government, umakyat na sa 81 ang namatay dahil sa mabilis na pagkalat ng coronavirus sa naturang bansa matapos ianunsyo ng Hubei province na nasa 24 na ang bagong kaso na kanilang naitala.

Tumaas ng halos 30% ang kumpirmadong kaso ng sakit kung saan ang kalahati ay mula Wuhan na nasa probinsya ng Hubei.

Binisita naman ni Chinese Premier Li Keqiang ang Wuhan, China na sentro ng nasabing outbreak kasabay ng agarang pagkilos ng gobyerno sa naturang krisis.

Ito ay sa kabila ng babala ng mga health officials sa mabilis na pagkalat ng sakit at pagtaas ng bilang ng mga namamatay.

Binisita ni Li ang mga pasyente at medical personnel sa iba’t ibang ospital habang tinuturuan ang mga ito kung papaano makakaiwas sa nakamamatay na sakit.

Aminado naman ang alkalde ng Wuhan na si Zhou Xianwang na naging palpak ang kaniyang administrasyon sa paghawak ng kinakaharap na krisis ng kaniyang nasasakupan.

Dinepensahan din ni Xianwang ang naging desisyon na isailalim sa lockdown ang bayan bilang isa umano sa pinaka-epektibong pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Dagdag pa ng alkalde, handa raw itong bumaba sa pwesto kung sakaling hingin ito ng nakararami dahil na rin sa responsibilidad niya na bantayan ang kapakanan ng bawat mamamayan ng probinsya.