Ayaw ituring ng Malacañang na “deadlock” ang naging pagtalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa tensyon o hidwaan sa South China Sea at maging sa West Philippine Sea.
Sa kabila ito ng paninindigan ni Xi sa kanilang posisyon sa mga pinagtatalunang teritoryo at hindi pagkilala sa arbitral ruling pabor sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, inungkat ni Pangulong Duterte sa kanilang bilateral meeting ni Xi sa Beijing ang mga “irritants” gaya ng presensya ng Chinese militia vessesl sa Pag-asa Island at umano’y harassment ng Chinese vessels sa mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal.
Pero ayon kay Sec. Panelo, inulit lang din ni Xi ang kanilang posisyong sa kanila ang mga pinagtatalunang teritoryo at walang binanggit na paaalisin ang mga Chinese vessels sa Pag-asa Island.
Nagkasundo na lamang daw ang dalawang lider na idaan sa bilateral negotiations ang isyu at doon resolbahin sa mapayapang paraan.
“I forgot the exact words, pero parang… basta pareho lang sinasabi nung dalawa, they repeated their previous stand. But what is more important is that, kasi sabi ni Presidente, there have been irritants because of that ruling. And both of them agree that the mechanism of bilateral relations will be used to resolve the conflict,” ani Sec. Panelo.
“Wala siyang binanggit na ganoon. Basta ang—kasi ang binanggit ni Presidente ‘the irritants.’ So it refers to everything there – from the presence of the ships, from the alleged harassment, lahat iyon, irritants eh.”