Nagpahayag ng pag-asa si Chinese President Xi Jinping na patuloy na gaganap ng malaking papel si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtutulungan ng Beijing at Manila.
Ito ay matapos na magpulong si Chinese President Xi at dating Pangulong Duterte sa Beijing China.
Ayon kay Hua Chunying, spokesperson of the Chinese Ministry of Foreign Affairs, sinabi umano ni Pres. Xi na pinahahalagahan niya ang estratehikong pagpili na ginawa ni dating Pangulong Duterte upang mapabuti ang relasyon sa China sa panahon ng kanyang pagkapangulo at ang kanyang mahahalagang kontribusyon sa ugnayan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Hua ang kahandaan ng Beijing na makipagtulungan sa Maynila sa pagpapaunlad ng matatag at patuloy na paglago ng bilateral relation.
Sinabi ni Duterte na ang pagbuo ng matalik na relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas ay nagsisilbi sa interes ng dalawang mamamayan at umaayon sa adhikain ng karamihan ng mamamayang Pilipino.
Sa ngayon kasi, nagkakaroon ng matinding tensyon ng mga bansa sa pinag-aagawang karagatan na West Ph Sea.
Ang desisyon na ibinigay ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016 ay nagpasiya na ang pag-angkin ng Beijing ng mga makasaysayang karapatan sa West Ph Sea ay walang basehan at hindi tinatanggap o kinikilala ng China ang nasabing desisyon.