-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng US maritime expert na si Ray Powell na posibleng nangangalap ng intelligence information ang dumaang Chinese research ship na Song Hang sa archipelagic waters ng Pilipinas nitong Martes, Abril 1.

Ayon kay Powell, naglayag ang Chinese vessel sa loob ng 25 nautical miles sa iba’t ibang isla kabilang ang Luzon.

Aniya, hindi ito unusual subalit hindi direktang daanan patungong Sulu Sea na nagpapakita umano na posibleng nangangalap ito ng intel habang dumadaan sa archipelagic waters ng bansa.

Saad pa ni Powell na maaaring nangangalap ang research vessel ng China ng electronic intelligence gaya ng signals mula sa radars at radios para malaman kung anong equipment ang mayroon ang Pilipinas.

Paliwanag pa ni Powell na bagamat nakalista ito bilang isang fisheries research ship itinuturing aniya ang karamihan sa mga research vessel ng China bilang dual-use.

Maaari din aniyang pinag-aaralan nito kung ano ang maaaring malaman sa potensiyal na kalaban.

Ayon pa sa maritime expert, maaaring nagsasagawa ng mapping ang barko ng China sa seabed ng Sulu Sea. Karaniwan aniya kapag nagsasagawa ng mapping ay pabalik-blik ito sa tinatawag na lawnmower pattern na isa aniyang malinaw na paglabag.

Binanggit din ni Powell na sa panig ng Pilipinas, maaaring magprotesta ito laban sa kabiguan ng Chinese reaserch vessel na sumunod sa innocent passage rules sa archipelagic waters.