-- Advertisements --

Masusing sinubaybayan at makailang beses na inisyuhan ng radio challenge ng Philippine Coast Guard (PCG) Islander aircraft ang namataang Chinese research vessel na “ZHONG SHAN DA XUE” sa layong 78.21 nautical miles hilagang silangan ng Itbayat, Batanes kaninang alas-8:00 ng umaga, Martes, Abril 15.

Sa isang statement, iniulat ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na idineploy ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang PCG Islander 4177 sa may baybayin ng Batanes para i-monitor ang naturang Chinese research vessel.

Tinangka aniya ng crew ng PCG Islander na magpaabot ng radio communication sa barko ng China nang maraming beses, subalit wala itong tugon.

Binigyang diin naman ng PCG aviators sa kanilang radio challenge sa Chinese research vessel ang kawalan nito ng awtoridad para magsagawa ng marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ipinunto din nito na ang mga aktibidad ng barko ng China ay isang malinaw na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act.