Inabisuhan ng pamunuan ng Adamson University ang kanilang mga Chinese students na sumailalim sa self-quarantine sa loob ng dalawang linggo.
Kasunod ito ng banta ng Novel Coronavirus kung saan kahapon ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang pinaka-unang kaso ng naturang sakit sa bansa.
Sa inilabas na memorandum ng paaralan, pinayuhan nito ang lahat ng Chinese national students na pansamantala munang ipagpaliban ang lahat ng transaksyon sa unibersidad mula January 31 hanggang February 14.
“In response to the worldwide precautionary measures against the nCoV, Adamson University would like to ensure a healthy and virus-free environment,” saad sa naturang memorandum.
“Thus, we have made a decision that all Chinese students, both graduate and undergraduate, observe self-quarantine starting today until February 14, 2020.”
Magpapatuloy naman ang klase sa lahat ng local at iba pang international students sa nasabing unibersidad.
Hinikayat din ng pamunuan ang mga propesor at apektadong estudyante na gamitin ang e-learning system ng AdU upang kahit papaano ay maipagpatuloy pa rin ng mga ito ang pag-aaral sa kabila ng quarantine.