-- Advertisements --

Umalis na ang Chinese survey vessel na Ke Xue San Hao na nauna ng napaulat na nagsagawa ng hindi awtorisadong pagpapatroliya at naglayag ng pa-zigzag malapit sa Escoda shoal sa West Philippine Sea.

Ito ang kinumpirma ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo ngayong araw ng Biyernes.

Aniya, base sa panibagong report mula sa personnel ng BRP Teresa Magbanua na nagbabantay sa lugar mula pa noong Abril, wala ng na-detect na presensiya ng survey ship sa kanilang monitoring.

Maaalala na una ng namataan sa Escoda shoal ang naturang survey ship sa may Escoda shoal noong Hulyo 25 base sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell.

Samantala, patuloy pa rin na naobserbahaan ng personnel ng BRP Teresa Magbanua ang presensiya ng ibang barko ng China sa shoal kabilang ang China Coast Guard vessel na may bow number 5901 o tinatawag na Monster ship, isang Chinese militia vessel at 2 Chinese inflatable boats.

Ayon sa PCG, namataan ang naturang mga barko ng China habang nagsasagawa sila ng rotation at resupply mission sa kanilang units sa WPS.

Kung saan lulan noon ng BRP Teresa Magbanua si Admiral Gavan kasama ang iba pang personnel ng PCG. Subalit hindi nagpatinag ang PCG sa mga barko ng China sa pagsasagawa ng RoRe mission.

Paliwanag ng PCG namataan ang presensiya ng CCG vessels sa lugar matapos mamahagi ang BFAR ng suplay sa mga Pilipinong mangingisda na namamalaot doon noong linggo kung saan inalalayan ng PCG ang BFAR para masigurong hindi mangingialam ang CCG.