KALIBO, Aklan—Muling dinomina ng mga dayuhang mula sa bansang China ang bilang ng tourist arrival sa isla ng Boracay sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Batay sa record ng Municipal Tourism Office ng LGU-Malay, nasa 250,326 ang kabuuang bilang ng mga turistang Chinese na bumisita sa pamosong isla mula Enero hanggang Hunyo.
Sinundan ito ng mga foreign tourist mula sa South Korea na umabot ng 197,488 kung saan, sila rin ang nanguna ng ilang taon.
Pumangatlo sa talaan ang Taiwan na nakatala ng 14,476; United States of America (USA) na umabot sa 14,305 at United Kingdom na may 8, 372.
Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan ng Malay na madadagdagan pa ang bilang ng mga lokal at foreign tourist na bibisita sa popular tourist destination sa buong mundo.