KALIBO, Aklan – Sa kabila ng abiso ng lokal na pamahalaan ng Malay na suspendido ang mga water sports activities at pagbabawalan muna ang maligo sa baybayin ng isla ng Boracay dulot ng tropical storm Hanna ay mayroon pa rin na lumabag nito.
Ito ay kasunod sa muntikang pagkalunod ng isang Chinese national na kinilalang si Ren Chunguang, 50, habang naliligo sa baybaying sakop ng Station 3, Barangay ManocManoc sa naturang isla.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Malay Police Station, napansin umano ng lifeguard volunteer na si Teddy Baylosis na may humihingi ng tulong kaya kaagad niya itong pinuntahan at nakita ang tatlong turista na nalulunod.
Kaugnay nito, hinatak umano niya si Chunguang at kaagad humingi ng tulong sa iba pa niyang kasamahan ngunit ng balikan nila ang area ay wala na ang dalawa.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng pulisya kung nakaligtas nga ba ang dalawang bakasyunista.