KALIBO, Aklan — Inaasahan ang muling pagdami ng mga turistang Chinese sa Isla ng Boracay sa buwan ng Marso.
Ayon kay Felix delos Santos, hepe ng Malay Municipal Tourism Office na ito ay kasunod ng pakikipagpulong ng mga kinatawan ng Chinese Embassy sa lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa muling pagbabalik ng direct flight mula sa China papuntang Kalibo International Airport.
Subalit sa kabila aniya nito, pumapangalawa pa rin ang Chinese sa mga top visitors sa Boracay na pinangungunahan ngayon ng mga Koreans.
Giit ni delos Santos hangga’t hindi pa tuluyang nakakabalik ang direct flights mula sa China ay hindi pa makakabangon ang industriya ng turismo sa isla.
Samantala, simula Pebrero 1 hanggang 25, nakapagtala ng 143,408 na bisita sa Boracay, kung saan karamihan dito ay mga domestic tourists na umaabot sa 106,768 habang ang foreign tourists ay 32,209.
Kasama na umano dito sa tourist arrivals ang mga participants ng isinagawang ASEAN Digital Minister’s meeting at mga sakay ng cruise ship.
Sa kabilang daku, patuloy ang paghahanda ng LGU-Malay at mga otoridad sa pagbuhos ng mga bisita simula Marso hanggang Mayo na maituturing na super peak season sa Boracay kung saan marami ang mga nakalinyang aktibidad lalo na ang LaBoracay.
Patuloy rin ang ginagawang training sa mga tourism frontliners.