ILOILO CITY – Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi umano nangingisda ang Chinese fishing vessel nang mabangga ang fishing boat ng 22 mangingisdang Filipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PGC Commandant Adm. Elson Hermogino, sinabi nito na ang Recto Bank ay kilalang fishing ground ngunit pinagbabawalan ang mga banyaga na mangisda dahil sakop ito ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Sa kabila nito, nilinaw ni Hermigino na ang Recto Bank ay passive area ng international shipping kung kaya’t hindi maaaring kwestyunin ang presensya ng mga foreign vessel.
Dahil wala namang kakayahan ang Pilipinas na bantayan ang Recto bank sa loob ng 24 oras, sinabi ni Hermogino na hindi maiaalis sa isipan ng mga Filipino na nangingisda ang Chinese fishing vessel sa area.
Sinabi ng PCG Commandant na hindi naman nangingisda ang mga Chinese at posibleng dumaan lamang sila sa Recto bank noong araw na nabangga ang fishing boat ng mga mangingisdang Filipino.