-- Advertisements --
Navy with rescued fishermen
Philippine Navy photo

Malinaw umanong lumabag ang Chinese vessel sa International Rules of the Maritime Road, sa ginawa nitong pagbangga sa naka-angklang fishing boat ng mga Pinoy at hindi man lamang tinulungan habang papalubog ang barko.

Ito ang binigyang-diin ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad sa panayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Empedrad, ang insidente sa Reed Bank sa bahagi ng West Philippine Sea ay hindi isang ordinaryong maritime accident at maituturing itong “deliberate manuever” mula sa Chinese vessel para banggain ang maliit na barko.

Paliwanag ng Navy chief, batay sa International Rules of the Road kung naka-angkla ang isang barko iniiwasan ito ng iba pang mga barko, pero ang ginawa ng Chinese vessel ay sinadya ang pagbangga.

“Hindi ko alam kung sinadya pero ang nangyari kasi naka-anchor fishing vessel, so, hindi gumagalaw with all technologies, radar systems ng barko. Alam mo na ‘di gumagalaw ‘yong isang barko, so, ibig sabihin kung may possibility na magbanggaan ikaw ay may kakayahang umiwas, ikaw dapat umiwas,” paliwanag pa ni Empedrad. “Alam ng lahat ng ship captain ‘yong rules of engagement, ngayon nabangga niya ang barko hindi niya alam bakit nabangga pwede sabihin nagkaroon ng problema sa radar but with all technology, alam mo kung mababangga mo ‘yong barko.”

Sa ngayon reunited na ang 22 mangingisda sa kani-kanilang pamilya sa Occidental Mindoro.

Ang BRP Ramon Alcaraz ang naghatid kahapon sa mga mangingisda mula Palawan patungong Mindoro.

Una na ring kinondena ni Empedrad ang ginawa ng Chinese vessel na pag-abandona sa mga Pilipinong mangingisda.

“Kung titignan ang rules of engagement, ‘yong naka-anchor hindi siya ang may kasalanan kung nagkabangga. In international rules, you are responsible for the collision but sa atin ‘di ko tinitignan ‘yon, ang kino-condemn ko ‘yong iniwan ‘yong lumulubog na barko kawawa naman ‘yong 22 fishermen, so iniwan at gabi pa,” ani Empedrad.

Navy Empedrad
Flag Officer In Command, Philippine Navy (FOIC, PN) Vice Adm. Robert Empedrad
Note: Pls click interview with PH Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad