BACOLOD CITY – Nanindigan ang isang kapitan ng barko na dapat magbayad ang crew members ng Chinese vessel ng damages sa may-ari ng Pinoy fishing boat na binangga sa Recto Bank noong Hunyo 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Captain Edgardo Flores, consultant ng United Filipino Seafarers, inihayag nitong nakasaad sa ilalim ng SOLAS Convention o International Convention for the Safety of Life at Sea ang parusa laban sa kapitan ng barkong bumangga sa isa pang barko.
Sa oras na mangyari ang collision ayon kay Flores, kahit walang namatay, magbabayad pa rin ang kapitan ng damages sa nabangga nitong barko.
Kung may mga crew naman na namatay dahil sa abandonment, makukulong ang master of the ship at ma-revoke ang lahat ng kanyang dokumento.
Ayon kay Flores, maaaring baguhin kaagad ng kapitan ang direksyong tinatahak ng barko kung nais nitong i-rescue ang buhay ng nabangga.