Naghahanda na ang Philippine Coast Guard para sa pagdating salvage team mula sa bansang Singapor para magsagawa ng operasyon sa bahagi ng katubigang sakop ng Eastern Samar.
Ito ay matapos na sumadsad sa Barangay Sulangan, Guiuan, ng nasabing lalawigan ang isang Chinese vessel na may kargang 55,000 metric tons ng nickel ore.
Batay sa inilabas na incident report ng mga kinauukulan, sumadsad ang barko ng China na MV ZHE HAI 168 sa layong tinatayang aabot sa 2.7 nautical miles mula sa shoreline ng Barangay Sulanga, Guiuan sa nasabing lalawigan noong Abril 18, 2023.
Lumabas sa imbestigasyon ng PCG maghahatid sana ng nickel ore ang naturang barko na may sakay na 20 Chinese crew mula Homonhon Island sa Easter Samar, patungo sa Caofeidian, China nang hampasin ito ng malakas na alon na nagresulta naman sa nasabing aksidente.
Kaugnay nito ay nagsagawa na rin ng ocular inspection ang Coast Guard Sub-Station Guiuan, Marine Environmental Protection Unit, kasama ang DENR at mga lokal na pamahalaan sa nasabing barko kung saan nakumpirma naman ng mga ito na walang leakage o damage sa loob ng naturang vessel.
Sa ngayon ay pansamantala munang ililipat ang mga kargamento ng naturang sasakyang pandagat para sa mas madaling paghatak nito, at pagkatapos nito ay magsagsawa naman ng hull assessment ang PCG ukol dito.