-- Advertisements --
Hermogenes Esperon
NSA Hermogenes Esperon, Jr.

DAGUPAN CITY – Kinontra ni National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon ang naging pahayag ng AFP Western Mindanao Command kaugnay sa umano’y pang-iispiya ng ilang mga Chinese vessels na dumadaan sa teritoryo ng Pilipinas.

Una rito, lumutang ang mga pahayag na posible umanong may ibang pakay tulad na lamang ng pang-iispiya ang mga warship ng China dahil pinapatay ng mga ito ang kanilang Automatic Identification Systems (AIS) sa tuwing dumadaan sa mga karagatang sakop ng bansa.

Paliwanag ni Esperon, hindi umano nangangahulugan na nang-iispiya na ang mga dayuhang Tsino dahil lamang sa pagpatay ng kanilang AIS.

Hindi rin aniya maituturing na pananadya ang ginawa nilang hakbang lalo na’t hindi naman patagong naglalayag sa karagatan ng Pilipinas ang mga warship ng China.

Ang AIS (IDS) ay siyang tumutukoy sa mga banyagang barko na nagdaraan sa 200 nautical miles ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.